DAY 1
Lumusob ang kilala at kinatatakutang si Rajah Mangubat sa isang banwa (tribe). Dahil sa angkin niyang lakas madali niyang natalo ang isang datu at nakalikom ito ng ilang uripon (alipin) para ipamahagi sa kanilang banwa.
Isa sa mga uripon na nakuha ni Mangubat ang punong babaylan sa banwang sinalakay niya. Nagbigay ito ng propesiya na isang babaeng may kambal ahas ang makakapatay sa malakas na Rajah. Pinatay ni Mangubat ang babaylan pero hindi ang takot na naramdaman niya nang malaman niyang ipapanganak na ang makakatalo sa kanya.
Sa ibang banwa na pinamumunuan ni Datu Bugna, nalaman niya na ang kanyang asawa na si Lamitan at ang isang kulasisi na si Dal’lang ay sabay na nagdadalang tao.
Hindi nagustuhan ni Lamitan na buntis din si Dal ‘lang kaya’t pinagbawalan niya si Datu Bugna na lumapit dito. Walang magawa si Bugna dahil ayaw niyang masira ang relasyon nilang mag-asawa kahit na karapatan niya na sumiping sa ibang babae.
Nag-umpisang mag-layag si Mangubat para hanapin at patayin ang batang sinasabing makakatalo sa kanya.
DAY 2
Sa paglalayag ni Mangubat, bawat madaanan niyang banwa ay pumapatay siya ng sanggol at buntis na babae. Patuloy din ang inis ni Lamitan kay Dal ‘lang kaya’t sa paraang nalalaman niya ay pinaparusahan niya ito.
Muntik na maibenta si Dal ‘lang bilang uripon sa mga mangangalakal na Tsino pero napigilan lang ito ni Awi dahil dala pa rin ni Dal’ lang ang anak ng isang datu.
Dumating na ang araw ng panganganak ni Lamitan. Hindi niya nagustuhan ang sanggol dahil babae ito kaya’t malungkot din si Bugna dahil wala siyang anak na lalake na magmamana ng kanyang kaharian.
Kasabay din na nanganak si Dal ‘lang na sanggol na babae pero laking gulat nila nang makita nilang may kakambal na ahas ito.
DAY 3
Gulat si Dal ‘lang nang malaman niyang may kambal ahas ang anak niyang si Amaya. Mapalad ang sanggol dahil isang espiritu ng ninuno o umalagad ang gagabay kay Amaya. Mas nainteres si Datu Bugna kay Amaya kaysa kay Binayaan na anak niya kay Lamitan.
Dumating si Rajah Mangubat sa banwa ni Datu Bugna. Hinahanap nito ang sanggol na may kambal ahas. Nakakutob ng masama si Bugna kaya’t binalikan niya si Amaya at pinatakas nito ang kakambal niyang ahas. Nais ni Bugna malihim na may kakambal ahas ang anak niya.
Kinuha ni Bugna si Amaya nang labag sa loob ni Dal ‘lang. Ito na ang umpisa ng pagiging binukot ng sanggol na si Amaya.
DAY 4
Naging ganap na binukot si Amaya. Kasama niya sa bukot ang dalawa niyang kapatid sa ama na si Marikit at Binayaan. Galit si Marikit kay Amaya kahit na kapatid niya pa ito.
Ibinigay na ni Lamitan si Dal ‘lang sa mga mangnagalakal pero hindi papayag si Dal ‘lang na malayo sa anak niya. Tumakas siya at muntikan nang masawi.
Nalaman ni Bugna na hindi na nakita pa ang katawan ni Dal ‘lang. Nangako si Dal ‘lang na babalikan niya ang anak niya.
DAY 5
Lumaki ang batang si Amaya na prinsesa sa kanyang bukot. Natuto siyang kumanta at tumugtog pero bukod doon tinuturuan din siya ni Datu Bugna ng paghawak ng kampilan (sword). Naiinggit si marikit kay Amaya dahil mas may oras ang ama nila kay Amaya.
Samantala, hinahanda naman si Bagani, ang lalakeng anak ni Rajah Mangubat, para sa kanyang unang batuk (tattoo). Makukuha niya lang ito kung may napatay na siyang tao. Hindi sang –ayon si Bagani sa gusto ng ama niya na pumatay siya ng tao para lang mapatunayan ang sarili niya.
Nag-plano si Lamitan na mawala si Amaya sa kanilang landas. Dinukot si Amaya ni Badu na uripon ni Lamitan. Dinala niya ito sa isang masukal na gubat para patayin pero gulat siya nang lumitaw ang isang ahas at tukain si Badu.
Nagkataon na sa gubat din na iyon ang unang pagsabak ni Bagani na pumatay ng alipin. Nagkita si Bagani at Amaya ng unang beses sa gubat na iyon.