<script async src="//pagead2.googlesyndication.com/pagead/js/adsbygoogle.js"></script> <!-- Showbiz Portal Bottom 1 300x250, created 10/15/10 --> <ins class="adsbygoogle" style="display:inline-block;width:300px;height:250px" data-ad-client="ca-pub-1272644781333770" data-ad-slot="2530175011"></ins> <script> (adsbygoogle = window.adsbygoogle || []).push({}); </script>
Mario Bautista, has been with the entertainment industry for more than 4 decades. He writes regular columns for People's Journal and Malaya.

Jun 22, 2020

A THROWBACK ARTICLE ON MOVIE QUEEN CARMEN ROSALES. WE WROTE THIS IN 1980, 40 YEARS AGO







carmen rosales in her heydays as a movie queen

mameng with her perennial partner rogelio de la rosa



THIS WAS ORIGINALLY PUBLISHED in Jingle Extra Hot Magazine and forwarded to me by Annette Roldan. Thanks, Annette. It was writer Manny Fernandez, an avid Carmeng Rosales fan, who brought me to her house in Pasig.

########

IYON AY ISANG DI-KALAKIHANG bunggalo sa isang tahimik na subdibisyon sa Rosario, Pasig. Katamtaman ang taas ng bakod at naliligid ng malalagong halaman. Sa wari’y hindi angkop na tirahan para sa isang dating reyna ng magulo at marangyang daigdig ng putting tabing…si CARMEN ROSALES.

Pinapasok kami ng isang katulong na ayon sa kasama naming writer na si Hannah Quintos ay kung ilanpung taon nang matapat na naglilingkod kay Mameng. Maya-maya pa’y lumabas na siya . . . ang bituing ng “Kampanang Ginto” at “Inspirasiyon”, ng “Maalaala Mo Kaya” at “Tangi Kong Pag-ibig”.

Mataba na nga siya ngayon. Puti na ang buhok. Pero banat pa rin ang kanyang balat, mataginting pa rin ang kanyang tinig na napabantog sa pag-awit, at higit sa lahat, masigla pa rin at masaya ang bawat kilos niya’t galaw.


“Talagang maraming napiprinsinta na interbyuhin ako,” kuwento ni Mameng. “Ang Panorama, minsan bigla na lang dumating dito. Ayoko nga, ni wala man lang silang abiso. Tapos, minsan, si Letty Magsanoc (Panorama editor) ang nagpunta rito. E, kasalukuyan akong nagpapagawa ng garahe. Magkakaintindihan ba tayo niyan? sabi ko. Magulo’t maingay rito. Bumalik ka na lang.

"Nag-set kami ng appointment. Miyerkules daw. Nang dumating ang araw na ‘yon, naghanda ako’t nag-ayos, pero inindiyan niya ako. Tapos bigla na lang ulit dumating dito. Ayoko na. Ni hindi man lang niya ako tinawagan noon na hindi siya makararating. Kasi raw nagpunta siya sa Europe. Aba, sabi ko, bakit hindi mo sinabi sa ‘kin para nagpunta rin ako sa Europe at doon tayo nag-interbyuhan?


“At ayoko ring mag-guest diyan sa mga shows na gaya ng kina Ike at Inday. Maski diyan kay JQ. Bibigyan lang ako ng wallet at alcohol. Hindi ko na kailangan ng publicity para ipakita sa tao ang ginagawa ko ngayon. At baka pagdating doon, kung anu-ano lang ang itatanong sa ‘kin. E, ako, matapang akong sumagot.

"Nakikita ko ang ibang tv talk shows na pati ang mga questions, malalaswa. May karapatang magalit ang mga artistang nagge-guest sa kanila. Kung tatanungin ako ng gano’ng questions, sasabihin ko sa kanilang I didn’t come here to be insulted. Noong nasa harap pa ko ng publiko, hindi ako nasira. Umalis akong respetado pa rin, ngayon ko pa ba sisirain ang anumang naiwang image ko sa isip nila?”


Galit na galit si Mameng sa isinulat ng isang writer sa isang magasin (hindi JEH) na sinabing lola siya ng mga bakla at huwag na siyang magbalak bumalik sa pelikula at maggantsilyo na lamang siya sa kanyang tumba-tumba.


“Hindi ko malaman kung bakit kontrang-kontra siya sa akin gano’ng nananahimik naman ako rito. Walang edukasyon!”, mariin pa niyang sambit. “Noong araw, may isang writer na nagkamaling isulat na boyfriend ko si Pol Salcedo gano’ng hindi naman totoo, alam mo’ng ginawa ni Pol? Pinuntahan siya’t inumangan ng baril. Ngayon, kung anu-ano talaga ang pinagsusulat maski hindi totoo. Huwag na nila akong isali!”


Maliit pa raw siya ay mahilig na siyang mag-perform sa harap ng mga tao.


“Taga-Plaridel, Bulacan kami at alahera ang mother ko. Sasabihin sa kanya ng customers niya, “Hoy, Pilar, dalhin mo nga rito si Mameng at pakantahin mo.” Ako naman, parang de kuerdas na sige agad sa pagkanta. Kanta at sayaw ang hilig ko noon at hindi pag-arte. Nag-aral ako ng pagmomodista nang magdalaga ako pero nakita ako ng nasirang Lina Flor at siya ang humimok sa ‘king mag’artista. Ayaw ko noong una.

"Sabi ko, masama ang reputasyon ng mga artista. Pero ginawa rin nila akong dobol ni Atang de la Rama. Nakita ako ni Direktor Tor Villano ng Excelsior Pictures at ako’ng pinili niya para maging leading lady ni Jose Padilla, Jr. sa “Arimunding-Munding”. Nang makita ba naman ako ng producer nila na si Quisumbing, sabi sa ‘kin, “Ayaw ko riyan, pangit!” Napaiyak ako. Sabi ko, kung ayaw n’yo, huwag. Ayoko naman talagang mag-artista, sila lang ang namimilit sa akin.


“Ang gusto ng producer, si Pacita del Rosario o si Maria Miranda ang gawing bida. Pero sabi ni Tor Villano, gusto niyang mag-build up ng bago. “At ang batang ‘yan”, aniya na ako’ng tinutukoy, “I predict na magtatagal ‘yan.” Ako mismo, hindi naniwala sa kanya. Nang mag-hit ang “Arimunding-Munding”, kinuha naman ako ng Sampaguita.

"Si Don Pedro Vera pa ang producer noon, amain ni Judge Jose Vera, lolo ni Dr. Perez. Binili niya ang two-year contract ko sa Excelsior at ipinareha ako kay Rogelio de la Rosa sa “Señorita”. Doon nagsimula ang love team naming. Ang pinakamahigpit kong karibal noon ay si Corazon Noble, ang ina ni Jay Ilagan.”


Ang “Señorita” ang itinanghal na biggest pre-war hit ng Sampaguita. At sa talaan ng mga nangungunang pelikula ng 1939, ang top ten ay puro si Carmen Rosales ang bida. Kung ilang beses din siyang matagumpay na bumalik. Pagkatapos ng World War II, kinuha siya ng bagong tatag na Premiere Productions sa “Probinsiyana” ni Susana de Guzman at isang buwang itinanghal iyon sa Dalisay Theater.

Nang muli siyang mawala ay kinuha naman siya ni Fernando Poe, Sr. at sinabi sa kanyang “I’ll prove to everyone that you’re still on top.” Iginawa niya ng pelikulang may pamagat na “Ang Magpapawid” at muli siyang bumandila sa takilya. Namahinga siya ulit at sa pagbabalik niya ay kinuha naman siya ng LVN at muling ipinareha kay Rogelio de la Rosa sa “Kampanang Ginto”, ang biggest hit ng 1949 na kung saan ang ibinayad sa kanyang apatnapung libong piso ay siya nang pinakamalaking talent fee na ipinagkaloob sa isang artista nang mga panahong iyon.


“Kilalang-kilala aako noon sa pagkakalog ko. Nang mag-reunion nga kami ng mga taga-Sampaguita at Makita ko si Roger, sinalubong ko agad at niyakap ko sabay sigaw ng “Naku, ang asawa ko!” Sabi nga ni Mrs. Vera, naku, itong si Mameng, hanggang ngayon hindi nagbabago. Natsismis din kami noon ni Roger pero para lang kaming magkapatid. Sa lahat ng leading ladies niya, sa ‘kin lang hindi nagselos ang asawa niyang si Lota.

"Alam naman niyang sa ‘kin, trabaho ‘yon. Pero pag may love scene kami ni Roger, kung magyakapan kami, talagang todu-todo. At ako pa’ng humahalik sa kanya. Nagagalit nga si Mrs. Vera. Huwag daw gan’on. Sabi ko naman, dapat ho realistic tayo dahil talagang ganyan ang tunay na magnobyo. Pero ‘yong pagbo-bold ang hindi ko magagawa. Maski noong bata ako at maganda ang katawan, hindi ako maghuhubad. Noon, magsarong lang kami, bold na ‘yon.


“Ibang-iba talaga ang paggawa ng pelikula noong araw. Mas may class ang mga istorya at di tulad ngayon na kung minsan, hindi mo maintindihan. At noon, kami lang ni Roger, kaya na naming dalhin ang pelikula. Hindi gaya ngayon na kailangan, marami kayong bida para kumita ang pelikula n’yo. Very professional din ang mga tao noon. Hindi uso ang pambibitin.

"At ang mga intriga noon, tungkol lang sa mga roles. Sasabihin halimbawa ng isang artista sa producer, bakit mo ibinigay ang papel na ‘yan kay Carmen? Hindi naman siya bagay riyan, ako’ng mas bagay riyan. O kaya maiinggit at sasabihing pangit ang hairdo o bestido mo.

"E, ako, trendsetter din ako noon. Ako ang nagpauso nang makikipot na pantalon. Ako rin ang unang-unang gumamit ng wig at false eyelashes sa pelikula. E Kasi, ang mga kasama ko noon, puro senyora, na kung tawagin ngayon, badap.


“Si Dr. Perez, galit na galit sa mga fans kong badap. Kapag pinapapasok ko sila sa istudyo, sasabihin sa ‘kin, huwag mo ngang papasukin ang mga bakla dito. Malas ‘yan, eh. Pinagtatanggol ko naman sila.

"Sasabihin ko, e bakit ka may mga make-up artists na bakla? Malaki’ng utang na loob ko sa mga bakla dahil sila’ng unang-unang pumipila sa pelikula ko. Nagkokorona pa ko ng beauty contests nila. Nag-Santa Elena rin ako sa santakrusan ng mga bakla. Gusto ko silang kasama dahil masasaya at very talented sila.


“At ako, madali akong maka-spot ng bakla. Noong kararating lang niyang si Maning Borlaza sa Sampaguita, pinakilala ‘yan sa aking sa canteen. Scriptwriter daw. “Senyora ka, ano?”, sabi ko sa kanya. Namutla ‘yan at ayaw aminin. “Anong senyora?” sabi pa sa ‘kin. Tapos, nang uminom ng kape, nagtitikwasan ang mga daliri.

“O, tamo”, sabi ko, “talagang senyora ka!” O, ngayon, di ba inaamin na niya na siya’y isang berdaderong mujer? Pero noon, ako, I never gossip about co-stars. Pag tinatanog ako ng iba kung totoo bang ganito si gan’on at si gan’on. Ang sagot ko, laging ewan ko, hindi ko business ‘yon.”


May mga kopya ba siya ng kanyang mga lumang pelikula?


“Naku wala. “Yung iba, nawala na nga, nasunog na sa bodega ng istudyo. Kasi maski noon, hindi ako nanonood kahit rushes ng pelikula ko. Ngayon ko na lang napapanood ‘yung iba sa TV. Tuwang-tuwa ang mga apo ko pag nakikita ko.

"Malinaw kasi akong magsalita. Talagang pumupukol ang dialogues ko. At ako, parang de kuerdas kung umiyak. Pag sinabi sa ‘king dito ka sa parteng ito iiyak, paglapit ng kamera, parang turuan ang luha ko, doon nga ako iiyak.”


Never daw siyang nag-boyfriend ng artista.


“Kilala ko kasi sila at alam kong gugulo lang ang buhay ko. Pag may lumigaw sa ‘king artista, sasabihin ko, hoy, kabron, huwag mo na kong ligawan at hindi ako papalo sa ‘yo. Kaya nga ang napangasawa ko, wala sa movies, the late Jose “Peping” Puyat, na anak ni Don Gonzalo Puyat. “Yan ang blacksheep noon sa pamilya nila. Ako lang ang nakapagpa-diretso diyan.”

Isa ang naging anak nila, si Cesar, na ngayon nga ay nakatira sa isang bunggalo na katabi ng kay Carmen kasama ng sariling pamilya nito. Si Mameng ay Carmen Keller sa tunay na buhay, bunso sa apat na magkakapatid.

“Ang mother ko ay Constantino ang apelyido kaya’t kamag-anak ko sina Charito Solis at Vilma Santos. Constantino ang lola ni Vilma at gan’on din ang lola ni Charito. Kamag-anak ko rin ang direktor na si Felicing Constantino.”


Sa ngayon ay masaya na raw siya sa takbo ng kanyang buhay. “Kinatutuwaan ko ngayon ang mag-alaga ng mga manok,” aniya.

May mga limang manok nga kaming nakita sa paligid. Parang pets ang pagtingin niya sa mga ito. Ang isang puting tandang ay mabulas ang tindig at pinangalanan niya ng Peter. “Mabagsik ‘yan,” kuwento niya. “’Yan ang watchdog ko rito.” Nang dumating nga kami ay agad itong sumugod at akmang manunuka kundi pinigilan ng katulong.


Busy rin si Mameng sa pagtatatag ng bible reading at charismatic movement sa pook nila. “Satisfied ako sa buhay ko at masaya ako sa paggawa ng mga gawaing bahay,” dagdag pa niya.


Hindi na ba siya muling magka-comeback sa pelikula?


“Last year, may offer sa ‘kin si Atty. Laxa ng Tagalog Ilang-Ilang. Pero tinaasan ko talaga ang presyo ko. Sabi naman niya sa ‘kin, “I cannot blame you, Mameng. You really deserve that much.” Pero ngayon, naisip kong ayoko na talagang bumalik pa sa pelikula. I retired while I was still on top at mataas pa ang rate ko. Gusto kong maging maganda ang alaala kong maiiwan sa publiko. Wala na naman akong dapat pang patunayan kahit kanino.”


Noong araw nga ay nakatira siya sa isang higit na malaking bahay sa San Juan na may swimming pool pa. Pero ipinasiya niyang iwan iyon dahil nagsosolo na naman siyang namamahay at kinuha nga niya ang bunggalong iyon sa tabi ng kanyang anak.


Papayag ba siya kung may isang samahan na magbibigay sa kanya ng parangal gaya noong “Tribute” kina Bette Davis at Ingrid Bergman na ginawa sa Hollywood?


“Bakit hindi?” aniya. “Pero gusto ko munang siguruhin kung anong klase ng samahan ang mamamahala. Baka maging katulad lang noong ibinigay nilang tribute kay Chichay na para sa ‘kin, hindi lumabas na maganda. At kung pagkakuwartahan din lang nila ang pagbibigay sa ‘kin ng gano’ng tribute, huwag na lang.”


Mataray talaga at prangkang magsalita, hindi po ba? Iyan nga si Carmen Rosales ng inyong mga nanay at tatay at lolo at lola. Hindi pa rin nagbabago ang pagka-outspoken hanggang sa ngayon.

Kung titingnan mo siya’y hindi maaaring hindi ka humanga sa kanya. Sa bawa’t ngit ng kanyang mga labi at sulyap ng kanyang mga mata ay alam mong naroon ang mahabang karanasan ng pagiging isang tunay na artista na wala sa mga bituin natin sa ngayon at hindi na makakatkat pa ng panahon.

POST